Nagulat at namangha ang mga mamamayan sa natanggap nilang mensahe galing sa NDRRMC ngayong araw.

Huwebes, alas sais ng gabi, nakatanggap ng mensahe ang mga nakatira sa rehiyon ng Central Visayas, Bohol, Siquijor, Northern Mindanao, Caraga at sa Probinsya ng Leyte at iba pang mga lugar sa Mindanao at kabisayaan galing sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. 

Nagulat at natuwa ang mga residente dahil ito ang unang pagkakataon na nakatanggap sila ng alerto galing sa NDRRMC upang paalalahanan na mag-ingat sa malakas na buhos ng ulan na siya ring dahilan ng pagbaha sa Cagayan De Oro City kamakailan lamang. 

Dalawang araw pa lamang makalipas ang matinding pagbaha sa Zamboanga del Norte na nagdulot ng pagkasira ng maraming ari-arian at siyang naging sanhi ng pagkamatay ng pitong katao. Tatlong tao naman ang sinasabing nawawala parin sa kasalukuyan.

Maliban sa baha, pinangangambahan din ang pagguho ng lupa sa matataas na lugar dahil sa sunod-sunod na ulan. 

Ayon sa PAGASA, ang mga rehiyon ng Caraga, Davao, at Northern Mindanao ay makakaranas ng madilim at makapal na ulap na sinamahan ng mahina hanggang sa katamtaman at pabugso-bugsong ulan, na may kasamang kulog at kidlat. Ito ay maaaring maging sanhi ng mga pagbaha at paglambot ng lupa. Ang natitirang bahagi ng Mindanao ay makakaranas ng maulap na kalangitan na sinamahan ng mahina hanggang sa katamtamang lakas ng ulan na may pabugso-bugso at panaka-nakang kulog at kidlat.

Ang Hilagang Mindanao naman ay makakaranas ng bahagyang malakas at pabugso-bugsong ulan na may kasamang malakas na hanging silangan patungo sa direksiyon ng karagatan na siyang magdudulot ng katamtaman hanggang sa malakas na alon.

Samantala, asahan ang madilim at makapal na ulap na sinamahan ng katamtaman hanggang sa minsanang paglakas ng ulan at kulog na may kasamang kidlat sa Visayas . Posibleng maging dahilan din ito ng pagbaha at paglambot ng lupa na maaaring maranasan sa Central Visayas at sa probinsya ng Southern Leyte.

Asahan din ang pagdilim ng kalangitan na sinamahan ng mahina hanggang sa bahangyang malakas na ulan at panaka-nakang kidlat sa natitirang bahagi ng Visayas. Magdadala rin ito ng katamtaman hanggang sa malakas na hanging silangan na maaaring magdulot ng malalaking alon sa dagat. 



YOUR REACTION?

Facebook Conversations



Disqus Conversations